
CAUAYAN CITY – Nagpapaalala ang City Health Office o CHO Santiago sa mga indibidwal na nakagat ng aso na kaagad magpabakuna at huwag nang hintaying lumabas ang mga sintomas ng rabies.
Ginawa ng CHO ang paalala matapos bawian ng buhay ang isang dalawamput pitung taong gulang na lalaki na residente ng Buenavista, Santiago City dahil sa rabies matapos makagat ng bagong panganak na aso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Nurse Mildred Bilger, rabies coordinator ng CHO Santiago City na ang nasawing lalaki ay nakagat sa mukha ng kanyang alagang bagong panganak na aso noong ikaapat ng Pebrero 2023.
Matapos mangagat ng aso ay bigla na lamang naglaho at hindi na matagpuan.
Noong ikadalawa ng Mayo ay unang nagpakita ng sintomas ang lalaki na nakaranas ng lagnat at pananakit sa parte ng nakagat ng aso subalit inakala ng misis na sumasakit lang ang ngipin nito.
Noong ikalima ng Mayo ay tumaas pa lalo ang temperatura ng lalaki at nagsimula na ring dumanas ng pagduduwal at nooong ikaanim ng Mayo ay nagdesisyon nang dalhin sa pagamutan dahil nagsimula nang matakot sa ilaw, tubig at hangin.
Sinabi umano ng doctor sa pagamutan na posibleng infected ng rabies ang lalaki matapos makagat ng aso subalit nagpasya ang pamilya nito na humingi ng second opinion kaya dinala nila ito sa pagamutan sa Nueva Vizcaya kung saan doon na binawian ng buhay.
Dahil dito nagpaalala ang CHO sa publiko na kapag nakagat ng aso ay agad na magpabakuna kontra rabies at huwag hintaying makaranas ng sintomas bago magtungo sa pagamutan dahil maaring magsanhi ng kamatayan.









