--Ads--

CAUAYAN CITY – Sumakabilang buhay na ang sanggol na sadya umanong ibinigay ng ina nito sa kakilalang mag-asawa ngunit unang pinalabas na iniwan sa bukid.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Roel Menia, hepe ng San Pablo Police Station na  sumakabilang buhay ang babaeng sanggol habang ginagamot sa   Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City.

Maaari aniyang bunga ito ng pagkalagay sa alanganing sitwasyon ng sanggol bago dinala sa ospital matapos nilang masagip.

Lumabas sa kanilang imbestigasyon na hindi totoo na napulot ang sanggol sa  bukid kundi  pinalabas lamang ito para itago kung sino ang nanay ng  bata.

--Ads--

Sinadya  umano ng nanay na isang dalaga  na ibigay ang sanggol sa  mag-asawa para ilihim ang kanyang pagbubuntis.

Ayon kay PMaj Menia, nagsasagawa sila ng malalimang pagsisiyasat para malaman ang liability  o pananagutan ng nanay sa pagkamatay ng bata

Bukod sa mga kawani ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ay kasama  nila ang nanay ng bata at kanyang pamilya na sumundo  kagabi  sa bangkay ng sanggol sa CVMC.

Ipinasakamay ang sanggol sa nanay at kanyang pamilya para mabigyan ng disenteng libing.