--Ads--

Tuluyan nang ibinasura ng Supreme Court (SC) En Banc ang mosyon ng House of Representatives na baligtarin ang desisyon nito noong Hulyo 25, 2025 na nagdeklarang labag sa Konstitusyon ang impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte.

Pinagtibay ng SC na ang ika-apat na reklamong impeachment na ipinadala sa Senado noong Pebrero 5, 2025 ay ipinagbabawal sa ilalim ng Article XI, Section 3(5) ng Konstitusyon, o ang tinatawag na one-year rule.

Nilinaw ng korte na ang unang tatlong reklamong impeachment ay hindi naisama sa Order of Business ng Kamara sa loob ng itinakdang sampung session days, kaya’t hindi ito maaaring ituring na balido.

Hindi nakibahagi si Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa sa pagtalakay ng kaso, habang naka-leave naman si Associate Justice Maria Filomena Singh.

--Ads--

Binigyang-diin din ng SC ang dalawang paraan ng impeachment: ang una ay dumaraan sa Committee on Justice, at ang ikalawa ay agarang naisasagawa kapag may pirma ng hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara.

Ayon sa SC, nananatiling mahalaga ang due process sa impeachment proceedings, subalit may natatanging katangian ang proseso at ang ganap na paglilitis ay isinasagawa lamang sa Senado.

Agad na ipinatutupad ang resolusyon matapos ang digital service sa lahat ng partido.