Nilinaw ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na bagama’t nabanggit ang pangalan ni dating House Speaker Martin Romualdez sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects, wala umanong direktang ebidensya na magpapatunay na tumanggap ito ng pera o kickback.
Ayon kay Lacson, kabilang si Romualdez sa ikalawang kategorya ng mga personalidad na tinalakay sa pagdinig—mga indibidwal na binanggit sa testimonya ng mga testigo ngunit walang matibay o direktang ebidensyang iniharap laban sa kanila.
Ipinaliwanag niya na bagama’t inakusahan ng surprise witness na si Orly Guteza ang umano’y pagdadala ng pera kina Zaldy Co at Romualdez, hindi ito sinamahan ng dokumento, resibo, o anumang patunay na magpapatibay sa naturang pahayag. Dahil dito, iginiit ni Lacson na hindi sapat ang nasabing testimonya upang direktang iugnay ang dating House Speaker sa umano’y anomalya.
Muling nabanggit din sa pagdinig ang mga alegasyong nag-uugnay kay Romualdez sa mga contractor na sina Sarah at Curlee Discaya, na sinasabing ginamit umano bilang “front” sa pagbili ng isang high-end na ari-arian sa Makati City. Gayunman, ayon kay Lacson, wala ring naisumiteng ebidensya sa Senado na magpapatunay sa naturang paratang.
Samantala, inihayag ni Lacson na magsasagawa ng pulong ang mga senador mula sa majority bloc upang talakayin ang mga isyu sa draft report ng Blue Ribbon Committee, partikular ang kawalan umano ng lagda o partisipasyon ng kahit isang miyembro ng minority bloc.
Binigyang-diin niya na mahalagang may representasyon mula sa minority, lalo na ang minority leader, upang mapanatili ang kredibilidad, balanse, at integridad ng ulat bago ito pormal na pagtibayin ng Senado.











