--Ads--

Inaasahang sisipa ang presyo ng langis sa pagbubukas ng pandaigdigang merkado matapos ang mga pag-atake ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, habang lumalalim ang pangamba na maaaring maapektuhan ang global na ekonomiya kung magpapatuloy ang sigalot sa Middle East.

Tinataya ng mga analyst na maaaring umabot sa 85 hanggang 90 dolyar ang presyo ng kada bariles ng krudo. Malaki ito kumpara sa higit 72 dolyar na presyo ng Brent crude noong Biyernes at 61 dolyar sa unang bahagi ng taon.

Nababahala rin ang mga eksperto sa sitwasyon sa Strait of Hormuz, na dinadaanan ng halos 20% ng pandaigdigang suplay ng langis. Bagama’t hindi pa tuluyang sarado ang mahalagang rutang pandagat, tumataas ang panganib at gastos sa insurance, dahilan upang suspendihin ng ilang malalaking shipping company ang pagdaan ng kanilang mga barko sa lugar.

Ayon sa pagsusuri ng Rystad Energy, kapag tuluyang nagsara ang nasabing daanan, maaaring mabawasan ng 8 hanggang 10 milyong bariles kada araw ang suplay ng krudo sa buong mundo. Kahit may nakahandang reserbang langis ang mga bansang umaangkat nito, hindi pa rin inaalis ang posibilidad na pumalo sa mahigit 100 dolyar ang presyo ng langis kung magtatagal ang krisis.

--Ads--

Posible ring sumunod ang pagtaas ng presyo ng natural gas, lalo na’t ang Qatar ay isa sa pinakamalaking exporter ng liquefied natural gas sa mundo. Maaari itong magpalala sa inflation at magdagdag ng pasanin sa mga ekonomiya.

Matatandaang huling lumagpas sa 100 dolyar ang presyo ng krudo noong sumiklab ang digmaan sa Ukraine, na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng enerhiya at iba pang bilihin sa maraming bansa.

Ayon kay Eric Dor ng IESEG School of Management, kung panandalian lamang ang tensyon ay maaaring hindi ito magdulot ng matinding epekto. Ngunit kung hahaba ang sigalot, maaari itong magresulta sa mas malalim na paghina ng pandaigdigang ekonomiya.

Sa stock market, posibleng makinabang ang defense sector, subalit inaasahan ang pagbaba ng halaga ng shares sa aviation sector, maritime transport, at turismo dahil sa pagtaas ng gastos sa enerhiya at operasyon.