Inanunsyo ng Malacañang na naglabas ng show cause order ang Department of Energy laban sa 54 na gasolinahan na pinaghihinalaang nagtaas ng presyo ng gasolina nang hindi sumusunod sa panawagan ng pamahalaan.
Sa isang ambush interview sa New York, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na kasalukuyang iniimbestigahan kung lumabag ang mga nasabing gasolinahan sa direktiba ng gobyerno na iwasan ang hindi makatwirang pagtaas ng presyo ng langis, lalo na sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Castro, kapag napatunayang may fraudulent o iligal na gawain ang mga gasolinahan, maaari silang mawalan ng permit para magpatuloy sa operasyon.
Samantala, tungkol sa fuel subsidy para sa mga sektor na maaapektuhan ng posibleng pagtaas ng presyo ng langis, magbibigay ng hiwalay na detalye ang DOE sa mga susunod na araw.
Nauna nang nagbabala ang Malacañang sa mga gasolinahan na huwag magtaas ng presyo nang walang sapat na batayan, partikular habang tumataas ang tensyon sa Middle East na maaaring makaapekto sa global oil prices.











