Isinagawa sa Santiago City ang K.A.I.S.A.K.A Help Desk o “Koordinadong Aksyon ng mga Inter-Agency Serbisyo at Agarang Konsultasyon at Asistensya” na nagsimula ngayong araw at matatapos bukas bilang bahagi ng selebrasyon ng Women’s Month, kung saan inilapit ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang kanilang serbisyo sa mga residente ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nelda Joy Lajhan, Social Welfare Officer I ng CSWD, sinabi nito na layunin ng programa na mapadali ang pagkuha ng serbisyo ng mga mamamayan, lalo na ng mga hindi makapunta sa mga tanggapan ng gobyerno.
Ayon kay Lajhan, kabilang sa mga ahensyang lumahok sa aktibidad ang Public Employment Service Office (PESO) at Permits and License Inspection Office na nagbigay ng serbisyo kaugnay sa trabaho at negosyo.
Nagbigay naman ng serbisyong pangkalusugan ang City Health Office, Southern Isabela Medical Center, at City Veterinary Office.
Para sa mga legal at dokumentong pangangailangan ay nakibahagi ang City Civil Registrar at City Legal Aid Office.
Nariyan din ang PNP–Women and Children Protection Desk, Bureau of Fire Protection, at City Disaster Risk Reduction and Management Office na nagbigay ng serbisyo para sa proteksyon at seguridad.
Samantala, nagkaloob naman ng serbisyong panlipunan ang City Social Welfare and Development Office at PopCom.
Katuwang din sa naturang aktibidad ang Office of the City Mayor, Office of the Vice Mayor, mga City Councilor, at ang 4th Congressional District Office.
Dagdag pa ng opisyal na inilapit ang naturang serbisyo sa mga mamamayan dahil marami sa workforce ay mga kababaihan na kadalasang hindi nakakabisita sa mga tanggapan ng pamahalaan dahil sa kanilang trabaho.











