Patuloy ang mahigpit na monitoring ng Public Order and Safety Division (POSD) sa mga gasolinahan sa Lungsod ng Cauayan upang matiyak na nasusunod ang tamang presyo at sapat ang suplay ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi nitong katuwang ng kanilang tanggapan ang Business Licensing Office, City Treasury Office at Philippine National Police (PNP) sa pag-iikot sa iba’t ibang gasoline stations sa lungsod.
Ayon kay POSD Chief, kabilang sa kanilang tinitingnan sa inspeksyon ang oras ng operasyon ng mga gasolinahan, kung ilan ang oras na bukas ang mga ito, at kung malinaw na nakapaskil sa kanilang mga fuel pump ang kanilang operating hours at kasalukuyang suplay ng produktong petrolyo.
Dagdag pa ng opisyal na nais din nilang masuri ang aktuwal na stock ng mga gasolinahan, kabilang kung ilang araw tatagal ang kanilang suplay, upang matiyak na hindi ito sinasadyang itinatago o nililimitahan ang pagbebenta sa publiko.
Sinabi ni Mallillin na batay sa kanilang mga isinagawang inspeksyon, normal naman ang operasyon ng mga gasolinahan sa lungsod at wala pa silang naitatalang paglabag sa ipinatutupad na presyo na itinakda ng Department of Energy noong nakaraang linggo.
Gayunman, nanawagan ang opisyal sa publiko na agad i-report sa kanilang tanggapan kung may mapansing gasolinahan na biglaang nagsasara o posibleng naglilimita ng bentahan ng petrolyo nang walang sapat na dahilan.
Sa ngayon, tiniyak ng POSD na may sapat pang suplay ng produktong petrolyo sa lungsod at patuloy ang kanilang pagbabantay upang maiwasan ang anumang iregularidad sa presyo at distribusyon ng langis.










