Apat na suspek sa pagpatay at pagsunog sa dalawang indibidwal sa Brgy. Sinasajan, Peñaranda, Nueva Ecija ang agad na naaresto ng mga awtoridad sa Brgy. Siempre Viva Sur, Mallig, Isabela.
Matatandaang karumal-dumal ang sinapit ng mga biktimang sina Michael Odchigue, isang rescuer, at Regine Espinosa, isang negosyante, matapos matagpuan ang kanilang mga katawan na walang buhay sa loob ng isang sinunog na sasakyan sa harap ng isang farm sa Brgy. Sinasajan. Natagpuan din na may tama ng baril ang mga biktima bago sila sinunog.
Ayon sa imbestigasyon, nakuhanan ng CCTV footage ang mga suspek habang bumubuhos ng gasolina sa sasakyan bago ito sinunog, na nagpatibay sa kanilang pagkakakilanlan.
Matapos ang masusing imbestigasyon at pagsusuri ng mga CCTV footage, natunton ang kinaroroonan ng mga suspek na kinilalang sina alyas “Lerma”, ang umano’y mastermind ng krimen, kasama ang mga kasamang sina alyas “Ringo”, alyas “Baldomero”, at alyas “Melvin”, dahilan ng agarang pagkakadakip sa kanila.
Kasalukuyang nakakulong sa Peñaranda Municipal Police Station ang apat na suspek at mahaharap sa kasong Murder dahil sa karumal-dumal na krimeng kanilang ginawa.











