Naiipit na umano ang mga maliliit na negosyante sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, na nagdudulot ng pangangailangan nilang itaas din ang presyo ng kanilang paninda.
Subalit, maraming consumer ang hindi naniniwala sa dahilan ng pagbabago ng presyo, na nagreresulta sa pagbaba ng kanilang benta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Cony Roberto, isang tindera sa Santiago City, napipilitan silang itaas ang presyo dahil sa pagmahal ng mga pangunahing bilihin at ang mataas na presyo sa kanilang mga supplier. Maraming consumer ang nagtataka at nagtatanong muna bago bumili, at kadalasan ay umaalis at naghahanap ng mas murang tindahan dahil sa pagtaas ng presyo ng kanilang binibili.
Ang sitwasyong ito ay nagdudulot ng kawalan ng kita at pagkawala ng mga suki, na mahalaga sa pagpapatakbo ng maliliit na negosyo. Dagdag pa ni Roberto, may mga nagbabagsak rin ng presyo sa merkado na nakakaapekto sa kanilang kita at nagdudulot ng hindi pantay na kompetisyon.
Aniya, hindi nila kontrolado ang sitwasyon at umaangkop lamang sila sa galaw ng merkado.
Umaasa ang mga maliliit na negosyante na mauunawaan ito ng publiko, lalo na sa panahon ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin.











