Nagbigay ng katiyakan ang Department of Trade and Industry (DTI) nitong Miyerkules na walang dapat ikabahala ang mga mamimili dahil hindi magkakaroon ng pagtaas ng presyo sa mga pangunahing bilihin at prime commodities hanggang sa katapusan ng buwan.
Ito ay matapos makipagpulong ang DTI sa mga iba’t ibang manufacturer noong Abril 6.
Ayon kay DTI Secretary Ma. Cristina Roque: “We want to assure the Filipino consumers that there will be no price increase for basic necessities and prime commodities until April 30, and we do not expect any shortage of supply in the coming weeks.”
Ang kasunduan ay sumasaklaw sa mga produkto tulad ng mga de-latang sardinas, processed milk, tinapay, kape, mga locally-manufactured na instant noodles, bottled water, sabong panlaba, kandila, asin, de-latang karne, mga pampalasa, at sabon panghugas na may Suggested Retail Price (SRP).
Ayon sa DTI, ang mga opisyal na SRP bulletin ay matatagpuan sa mga supermarket at grocery store sa buong bansa, pati na rin sa kanilang opisyal na website at social media platforms.
Muling ipinaalala ng DTI na handa itong mag-isyu ng Letters of Inquiry/Notice of Violation laban sa mga negosyo na mahuhuling nagbebenta ng produkto nang higit sa itinalagang SRP.
Nagbabala rin ang DTI ng mahigpit na parusa laban sa mga negosyo na magsasagawa ng ilegal na pagmamanipula ng presyo tulad ng hoarding at profiteering.










