--Ads--

Natagpuang wala nang buhay ang isang 46-anyos na lalaki sa loob ng isang bahay sa Pulong Tagalog, Purok 7, Brgy. San Francisco, Cauayan City, Isabela, madaling araw ng Abril 12.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Lando”, 46-anyos, may asawa, helper, at residente ng nasabing lugar.

Batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station, natanggap ang tawag bandang 7:10 ng umaga mula kay Barangay Kagawad Niño Dalere, na nagsabing may natagpuang walang malay na lalaki sa naturang lugar.

Ayon sa mga rumespondeng pulis, nakita ang biktima na nakahandusay sa sahig ng bahay na may nakapulupot na dalawang polyester cotton belt sa kaniyang leeg. May ulat din na nakita itong nakabitin sa bakal na kawad bago ito ibaba.

--Ads--

Sa salaysay ng isang kamag-anak, narinig umano nito ang sigaw kaya agad siyang tumungo sa lugar at doon na nakita ang biktima.

Ayon naman sa live-in partner ng biktima, natutulog umano itong mag-isa sa lumang bahay bago natuklasan ang insidente. Sinabi rin niyang ilang araw na umanong madalas uminom ng alak ang biktima, ngunit tumanggi umano itong magpaliwanag sa ilang pagkakataon.

Idineklara na dead on arrival ang biktima at dinala sa Cauayan District Hospital para sa karagdagang pagsusuri.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente habang hinihintay ang resulta ng masusing pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).