Nakatulong nang malaki sa mga tricycle drivers sa Santiago City ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo, kasabay ng subsidiya na ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Kagawad Rogelio Miner, pangulo ng samahan ng mga tricycle drivers, nakaranas sila ng kaunting ginhawa dahil sa sunud-sunod na rollback sa presyo ng langis na malaking bahagi ng kanilang araw-araw na gastusin sa pamamasada.
Dagdag pa niya, malaking tulong din ang P5,000 na subsidiya o ayuda na ipinamahagi sa kanilang hanay. Aniya, nakatulong ito upang matugunan ang iba pang pangangailangan at mabawasan ang epekto ng mataas na gastusin sa operasyon.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga tricycle drivers sa pamunuan ng lungsod dahil sa patuloy na suporta lalo na sa gitna ng pabago-bagong presyo ng produktong petrolyo na direktang nakaapekto sa kanilang kabuhayan.











