Pinaigting ng Bureau of Fire Protection o BFP Cauayan ang inspeksyon sa mga pampubliko at pribadong establisyemento sa lungsod upang matiyak ang pagsunod sa fire safety standards at maiwasan ang mga insidente ng sunog.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO2 Reagan Bernardo, Chief Operations Section ng BFP Cauayan, sinabi nitong bahagi ito ng kanilang patuloy na kampanya para mapanatili ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga sakunang dulot ng sunog.
Ayon kay SFO2 Bernardo, lalo nilang pinaigting ang mga inspeksyon kasunod ng mga naitalang sunog sa tanggapan ng Professional Regulation Commission (PRC) Cauayan at sa Cauayan Component City Police Station. Bagama’t nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa mga naturang insidente, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng regular na pagsusuri sa mga gusali upang agad na matukoy ang mga posibleng fire hazard at masiguro na maayos ang kondisyon ng mga fire extinguisher, alarm system at emergency exits.
Sinabi pa ng opisyal na marami pa ring establisyemento ang nakikitaan ng mga paglabag sa fire safety regulations. Kabilang dito ang kakulangan ng fire safety equipment, hindi maayos na electrical wiring, at kawalan ng sapat na emergency exits at fire safety signages.
Dahil dito, ang mga establisyementong may paglabag ay binibigyan ng Notice to Comply ng BFP at may palugit na hanggang 15 araw, depende sa uri at bigat ng paglabag, upang maitama ang mga natukoy na kakulangan.
Ayon kay SFO2 Bernardo, layunin ng kanilang tanggapan na matulungan ang mga establisyemento na makasunod sa mga alituntunin bago sila patawan ng kaukulang parusa.










