--Ads--

Nakauwi na sa Pilipinas nitong Biyernes, Hunyo 12 ang 13 Pilipinong seafarer na sakay ng barkong M/V MSC Sariska V na tinamaan ng mga projectile habang palabas ng Port of Umm Qasr sa Iraq noong Hunyo 1, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Ayon sa DMW, agad na inilikas ang mga tripulante mula sa barko sa tulong ng mga awtoridad ng Iraq matapos ang insidente.

Dumating ang mga seafarer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sakay ng Philippine Airlines flight. Sinalubong sila ng mga kinatawan ng DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), medical team ng Manila International Airport Authority (MIAA), kanilang manning agency, at New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC).

Nagbigay ang mga ahensya ng airport assistance, medical check-up, at pinansyal na tulong sa mga seafarer. Inayos din ang kanilang biyahe pabalik sa kani-kanilang mga probinsya.

--Ads--

Naglaan din ang kanilang manning agency ng pansamantalang matutuluyan sa hotel habang nakatakda silang sumailalim sa mas malalim na medical at psychosocial counseling ngayong Sabado.