Pitong indibidwal ang inaresto ng mga operatiba ng Cauayan City Police Station matapos maaktuhang nagsusugal sa isinagawang operasyon sa Barangay District 1, Cauayan City, kahapon, Hunyo 14.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang operasyon dakong alas-4 ng hapon malapit sa isang water refilling station sa lugar matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa umano’y ilegal na pagsusugal sa nasabing lugar.
Agad na rumesponde ang mga pulis upang beripikahin ang ulat at nadatnan ang mga suspek na naglalaro ng baraha habang may nakataya umanong pera.
Nakumpiska mula sa mga naaresto ang mga baraha at perang nagkakahalaga ng P144 na hinihinalang ginamit bilang bet money.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspek kasama ang mga nakuhang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.
Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 o ang Anti-Illegal Gambling Law.











