--Ads--

Mas pinalalim ng mga kalahok ng Lakbay-Likha: A Creative Tourism Experience Circuit ang kanilang pag-unawa sa kultura, sining, at malikhaing turismo ng lalawigan ng Quirino sa ikalawang araw ng isinagawang dalawang-araw na dry run nitong Hunyo 16, 2026.

Nagsimula ang programa sa pagbisita sa Livelihood Association of Egongots sa Nagtipunan, kung saan sinalubong ang mga kalahok ng mga pagtatanghal pangkultura at ipinakilala sa mayamang tradisyon ng komunidad ng Bugkalot. Nagkaroon din sila ng pagkakataong masaksihan at matutunan ang paggawa ng mga tradisyunal na aksesorya na sumasalamin sa kanilang pamana at pagkakakilanlan.

Nagpatuloy ang aktibidad sa isang furniture shop sa Nagtipunan, kung saan naranasan ng mga kalahok ang paggawa ng mga souvenir sa pamamagitan ng isang keychain-making activity. Ipinakita rito kung paano nagiging makabuluhang produkto ang mga lokal na materyales sa pamamagitan ng pagkamalikhain at kasanayan.

Bilang pagtatapos ng Quirino leg ng programa, bumisita ang grupo sa Leonora’s Coffee by El Sur Place sa Maddela. Dito, nakilahok sila sa cake designing at latte art activities na nagbigay-daan upang maranasan ang malikhaing aspeto ng culinary tourism at matutunan ang mga kuwento sa likod ng mga lokal na negosyo.

--Ads--

Ayon sa mga organizer, layunin ng Lakbay-Likha na higit pa sa simpleng pamamasyal, kundi ang pagbibigay ng makabuluhang karanasan sa pakikipag-ugnayan sa mga komunidad, artisan, at negosyanteng lokal.

Sa matagumpay na pagtatapos ng dalawang araw na dry run, mas pinaigting ang mga pagsisikap na maisulong ang Creative Tourism Circuit sa Region 2 at maiposisyon ang Quirino bilang destinasyong pinagsasama ang kultura, pagkamalikhain, at komunidad.