--Ads--

Muling nagtagumpay ang pinaigting na manhunt operation ng mga awtoridad matapos maaresto ang isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na kabilang sa Most Wanted Persons sa lalawigan ng Isabela dahil sa kasong rape.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Olan,” 20-anyos at residente ng Sitio Marus, Barangay Hacienda Intal, Baggao, Cagayan. Nakalista siya bilang Top 8 Provincial Most Wanted Person sa Isabela at dating miyembro ng CTG, bagamat hindi kabilang sa PSRTG list.

Isinagawa ang pag-aresto bandang alas-1:20 ng hapon noong Hunyo 16, 2026 sa Sitio Marus sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Roxas Municipal Police Station, 204th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2 bilang lead unit, Baggao MPS, 2MFP 1CPMFC, PIT-Cagayan South, RIU2, at RID2.

Nahuli ang suspek sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong rape sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code. Walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

--Ads--

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Roxas Municipal Police Station ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at paghahanda para sa kanyang pagharap sa hukuman.