Umaasa ang ilang residente na magkaroon ng malinaw na anunsyo at tiyak na iskedyul ng pamamahagi ng kalahating sako ng bigas matapos na hindi sila mabigyan sa itinakdang distribusyon sa kanilang mga barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Reynaldo Martinez, sinabi nito na kabilang ang kanyang apo sa mga hindi pa nakatatanggap ng nakalaang ayuda hanggang sa kasalukuyan. Ayon sa kanya, ipinaliwanag sa kanila na may ilang pangalan na hindi naisama sa masterlist kaya hindi agad nakasama sa pamamahagi.
Gayunman, tiniyak umano ng mga opisyal ng barangay na naitala na ang mga pangalan ng mga residenteng hindi nakatanggap at isasama ang mga ito sa susunod na distribusyon.
Giit ni Martinez, hindi nila kinukuwestiyon ang programa, ngunit nais lamang nila ng malinaw na abiso kung kailan isasagawa ang susunod na pamamahagi upang maiwasan ang kalituhan at pangamba ng mga benepisyaryong patuloy na naghihintay.
Samantala, nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Santiago City na may ilang benepisyaryo ang hindi agad nabigyan ng kanilang kalahating kaban ng bigas dahil wala ang mga ito sa kanilang mga tahanan nang isagawa ang house-to-house distribution.
Ayon sa LGU, ipinatutupad ang ganitong sistema upang matiyak na direktang naihahatid ang ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Gayunman, may mga pagkakataon na walang tao sa kabahayan kaya hindi agad naipamahagi ang alokasyon.
Binigyang-diin ng pamahalaang lokal na patuloy ang kanilang hakbang upang matiyak na walang kwalipikadong benepisyaryo ang mapag-iiwanan sa programa.
Sa kasalukuyan, mahigit 20 sa kabuuang 37 barangay sa lungsod ang napagkalooban na ng bigas habang nagpapatuloy pa ang distribusyon sa mga natitirang lugar na inaasahang tatagal hanggang Hulyo.











