--Ads--

Inaresto sa Estados Unidos sina social media influencer Andrew Tate at kanyang kapatid na si Tristan Tate habang hinihintay ang proseso ng extradition patungong United Kingdom kaugnay ng mga bagong kasong rape, sex trafficking at assault na isinampa laban sa kanila.

Kinumpirma ng Bedfordshire Police sa United Kingdom at ng US Marshals Service na nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang magkapatid na Tate matapos silang madakip sa Miami, Florida.

Ayon sa Crown Prosecution Service ng UK, nadagdagan pa ang mga kasong kinahaharap ng magkapatid kaya umabot na sa 59 ang kabuuang bilang ng mga kaso, kung saan 42 ang laban kay Andrew at 17 naman kay Tristan.

Kabilang sa mga bagong kaso ang rape, trafficking para sa sexual exploitation at mga paglabag na may kaugnayan sa indecent images of a child. Dahil dito, pormal nang hiniling ng mga prosecutor sa UK ang extradition ng magkapatid mula sa Estados Unidos.

--Ads--

Mariin namang itinanggi ng abogado ng Tate brothers ang mga akusasyon at iginiit na wala umanong kasalanan ang magkapatid.

Bukod sa mga kaso sa United Kingdom, nahaharap din sina Andrew at Tristan Tate sa magkakahiwalay na imbestigasyon sa Romania kaugnay ng umano’y human trafficking, money laundering at iba pang kaugnay na krimen.