--Ads--

Binigyang-linaw ng ISELCO-1 ang bahagyang pagtaas ng power rate ngayong Hulyo, na pangunahing dulot umano ng pagtaas ng generation charge sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay April Agsunod, Cooperative Communication and Social Marketing Office Supervisor ng ISELCO-1, sinabi nitong mula sa ₱10.67 kada kilowatt-hour noong Hunyo, umakyat sa ₱11.12 kada kilowatt-hour ang power rate para sa residential consumers ngayong Hulyo. Katumbas ito ng tinatayang 45 sentimos na dagdag kada kilowatt-hour.

Ayon kay Agsunod, malaking salik sa pagtaas ng generation charge ang WESM, kung saan humigit-kumulang 80 porsyento ng power supply ng ISELCO-1 ay nagmumula.

Ipinaliwanag nitong nagkaroon ng forced outages sa ilang power plants noong nakaraang buwan kaya nabawasan ang available na supply ng kuryente habang nananatiling mataas ang demand.
Dahil dito, tumaas ang presyo ng kuryente sa WESM na naging malaking factor sa pagtaas ng generation charge at sa kasalukuyang power rate ng ISELCO-1.

--Ads--

Samantala, sinabi ni Agsunod na gumawa ng hakbang ang ISELCO-1 upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng WESM prices sa kanilang member-consumer-owners.

Nakipag-ugnayan ang kooperatiba sa Energy Regulatory Commission o ERC upang pahintulutang 70 porsyento muna ng kanilang WESM obligation ang bayaran, habang ang natitirang 30 porsyento ay babayaran nang staggered sa mga susunod na buwan.

Ayon kay Agsunod, pinayagan ng ERC ang naturang payment scheme upang hindi maging malaki ang biglaang epekto nito sa singil sa kuryente.

Kaugnay naman ng mga reklamo hinggil sa biglaang pagtaas ng electric bill, pinayuhan ni Agsunod ang mga consumers na unang ikumpara ang kanilang kilowatt-hour consumption sa nakaraang buwan.

Aniya, maaaring tumaas ang bill hindi lamang dahil sa power rate kundi dahil din sa mas mataas na konsumo ng kuryente.
Kung pareho naman ang konsumo ngunit hindi tugma ang halaga ng bill sa kasalukuyang power rate, maaaring magtungo ang consumer sa pinakamalapit na ISELCO-1 branch office at makipag-ugnayan sa Consumer Welfare Officer upang masuri ang kanilang billing record.

Maaari rin umanong humiling ng kilowatt-hour meter calibration kung pinaghihinalaang hindi na tama ang pagbabasa ng metro o kinakailangan na itong palitan.

Ipinaliwanag din ni Agsunod ang dalawang uri ng system loss, ang technical at non-technical.

Ang technical system loss ay tumutukoy sa normal na pagkawala ng bahagi ng kuryente habang ipinapadala ito mula sa power generator patungo sa mga substation at distribution facilities.

Samantala, ang non-technical system loss ay maaaring dulot ng electric pilferage o ilegal na pagkuha at paggamit ng kuryente.

Ayon kay Agsunod, nakaaapekto sa system loss ang mga insidente ng electric pilferage sa mga kabahayan at komunidad dahil bahagi nito ay napapasan ng member-consumer-owners alinsunod sa umiiral na regulasyon ng ERC.

Dahil dito, hinimok nito ang publiko na agad i-report sa pinakamalapit na ISELCO-1 branch office ang anumang nakikitang insidente ng pagnanakaw o hindi wastong paggamit ng kuryente upang makatulong sa pagbabawas ng system loss at kaukulang singil.

Nilinaw naman ni Agsunod na ang generation, transmission, system loss at VAT charges sa electric bill ay mga pass-through charges, kung saan nagsisilbi lamang ang ISELCO-1 bilang tagakolekta alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon.

Samantala, pinaalalahanan ng ISELCO-1 ang mga member-consumer-owners na maging matipid at maingat sa paggamit ng kuryente, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin.