--Ads--

Nasawi ang isang 25-anyos na delivery rider matapos mahulog sa malalim na drainage canal habang minamaneho ang kanyang motorsiklo sa kahabaan ng Abaya Road, Purok Namnama, Barangay Batal, Santiago City, madaling araw ng Agosto 4.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Melchor Aggabao Jr., Chief ng Traffic Enforcement Unit (TEU) ng Santiago City Police Office, sinabi nitong bandang alas-2:00 ng madaling araw nang matanggap nila ang ulat hinggil sa aksidente na kinasasangkutan ng isang itim na Yamaha Sniper motorcycle.

Ayon kay PMaj. Aggabao, pagdating ng mga pulis sa lugar ay natagpuan ang biktima na nakahandusay sa loob ng drainage system. Agad namang ipinatawag ang Scene of the Crime Operations (SOCO) upang tiyaking walang naganap na foul play. Batay sa kanilang pagsusuri, wala silang nakitang palatandaan ng krimen at itinuturing na aksidente ang insidente.

Nabatid din sa pamilya ng biktima na nagpaalam lamang umano itong bibili matapos makipag-inuman ngunit hindi na nakabalik.

--Ads--

Isinugod pa ito sa ospital ngunit idineklara na itong dead on arrival ng attending physician.

Sa paunang imbestigasyon, tinitingnan ng mga awtoridad ang posibilidad na nakatulog o nakaidlip ang rider habang nagmamaneho.

Ayon kay PMaj. Aggabao, dahil nakainom umano ang biktima bago ang insidente, posibleng nawalan ito ng kontrol sa motorsiklo at nahulog sa drainage system, kung saan nagtamo ito ng matinding pinsala sa ulo.

Dagdag pa ng opisyal, maliwanag ang bahagi ng kalsada at wala ring pag-ulan nang mangyari ang insidente.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang kabuuang pangyayari sa aksidente.