Pinuna ng Chinese Embassy sa Maynila si Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson para sa West Philippine Sea na si Rear Admiral Jay Tarriela dahil umano sa pagpapakalat ng maling impormasyon at pagpapalala ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Sa isang pahayag, sinabi ni Chinese Embassy Deputy Spokesperson Guo Wei na hindi umano nasasagot ni Tarriela ang mga isyung ibinabato laban sa kanya kaya umano ito gumagamit ng mga pahayag na nagpapainit sa usapin.
Iginiit din ng embahada na hindi nila minamaliit o binabastos ang mga Pilipino at ang kanilang mga puna ay nakatuon lamang sa mga pahayag at aksyon ni Tarriela.
Ayon pa sa embahada, tungkulin nilang pangalagaan ang interes ng China at protektahan ang mga mamamayang Tsino sa Pilipinas, habang inaakusahan si Tarriela na lalo pang pinasisidhi ang hidwaan sa pagitan ng dalawang bansa.
Dumating ang pahayag matapos kwestiyunin ni Tarriela ang umano’y hindi magalang na mga komento ng Chinese Embassy laban sa ilang opisyal ng pamahalaan, kabilang si Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr., kaugnay ng mga isyu sa West Philippine Sea at sa paghawak ng gobyerno sa ilang Chinese nationals na inaresto sa bansa.
Sa kabila nito, iginiit ng Chinese Embassy na layunin nitong mapalapit ang relasyon ng Pilipinas at China at hindi ang palalain ang sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.











