--Ads--

Pinalawig ni Senador Loren Legarda ang kanyang medical leave hanggang Agosto 19, ayon kay Senate Secretary Renato Bantug nitong Lunes.

Sa pahayag ni Bantug, nakatanggap ang tanggapan ng Senate Secretariat ng liham mula sa opisina ni Legarda nitong Lunes ng umaga na nagpapaalam na mananatili muna sa kanyang medical leave ang senadora.

Hindi dumadalo si Legarda sa mga sesyon ng Senado at sa impeachment trial mula Agosto 3 matapos umanong bumiyahe palabas ng bansa patungong France noong Agosto 2.

Una nang naghain si Legarda ng medical leave mula Agosto 3 hanggang 5, at naghain muli mula Agosto 11 hanggang 12.

--Ads--

Ang kanyang pagliban ay kasabay ng preliminary investigation ng Office of the Ombudsman kaugnay ng mga reklamong non-bailable plunder at graft laban sa senadora at sa kanyang anak na si Batangas Representative Leandro Leviste.

Ayon sa Ombudsman, inaakusahan si Legarda na ginamit umano ang kanyang posisyon upang makakuha ng exclusive solar power franchises para kay Leviste, na sinasabing nagresulta sa multibillion peso “ghost electricity” losses.

Itinanggi naman ni Legarda ang mga alegasyon at tinawag itong “lubos na kasinungalingan at walang batayan.”

Nanawagan din ang senadora sa publiko na huwag lagyan ng anumang political narrative ang kanyang pagliban sa Senado o ang kanyang pagbiyahe sa ibang bansa.