Nasungkit ni Filipino pole vault star EJ Obiena ang isa na namang gintong medalya matapos manguna sa Golden Sand 2026 competition sa Międzyzdroje, Poland.
Tinalon ni Obiena ang season-best na 5.91 meters para makuha ang unang puwesto sa World Athletics Continental Tour event.
Ito na ang kanyang ikawalong gold medal ngayong 2026 season at nalampasan nito ang dati niyang season-best na 5.85 meters na itinabla niya sa Meeting Madrid sa Spain.
Kabilang sa kanyang mga tinalo ang mga de-kalibreng pole vaulter mula sa United States at France, kabilang sina Cole Walsh, Hunter Garretson at Robin Emig.
Dagdag ito sa mga gintong medalya ni Obiena ngayong taon sa Cottbus, Berlin, Halberstadt, Poznań, Eisenstadt at Tianjin.
Nasa ika-13 puwesto sa world rankings si Obiena at target nitong makabalik sa Top 10 habang patuloy na nag-iipon ng ranking points para sa nalalapit na World Athletics Ultimate Championships.










