Hinimok ng isang doktor ang mga may-ari ng aso na maging responsable sa pag-aalaga ng kanilang mga alagang hayop, lalo na sa pagpapanatiling updated ng kanilang bakuna, upang maiwasan ang rabies at iba pang panganib mula sa kagat ng hayop.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mel Lazaro, Internal Medicine doctor, sinabi niyang dapat samantalahin ng mga pet owner ang libreng pagbabakuna para sa mga aso sa barangay level upang mabawasan ang panganib ng rabies at gastusin sakaling makakagat ang alaga.
Ayon kay Dr. Lazaro, ang malalim na kagat ay maaaring ituring na Category III exposure na nangangailangan ng agarang pagsusuri at maaaring mangailangan ng anti-rabies vaccine at rabies immunoglobulin, depende sa assessment ng health professional.
Kapag nakagat, agad na hugasan ang sugat gamit ang sabon at dumadaloy na tubig. Kung malalim o matindi ang pagdurugo, dapat agad magtungo sa ospital o animal bite center.
Ipinaliwanag din ng doktor na kapag lumitaw na ang sintomas ng rabies gaya ng takot sa tubig o hydrophobia at pagiging sensitibo sa hangin o aerophobia, napakaliit na ng posibilidad na mabuhay ang pasyente.
Binigyang-diin niyang walang siyentipikong basehan ang paggamit ng tandok-tandok, suma-suma o iba pang tradisyunal na pamamaraan bilang lunas sa rabies.
Hiniling naman ni Dr. Lazaro na madagdagan ang mga animal bite center at suplay ng anti-rabies vaccine upang mas maraming nakagat ng hayop ang mabigyan ng agarang paggamot.
Muling hinikayat ang publiko na huwag balewalain ang kagat o kalmot ng aso at agad kumonsulta sa health professional.











