Nanawagan ang Malacañang sa media na maging maingat at responsable sa pag-uulat ng mga insidente ng pamamaril sa mga paaralan, lalo na’t mga menor de edad ang sangkot.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, dapat iwasan ang pagbibigay ng mga sensitibong detalye na maaaring magdulot ng panggagaya o copycat acts.
Binigyang-diin din ni Castro ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga kabataan ng tamang pag-uugali, paggalang sa kapwa at maayos na pakikitungo sa mga kaklase at guro.
Kasunod ito ng magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban at sa Ateneo de Zamboanga. Hiniling ng Palasyo na protektahan ang dignidad, kaligtasan at privacy ng mga menor de edad, gayundin ang kapakanan ng mga naulilang pamilya at integridad ng patuloy na imbestigasyon.
Samantala, pinaigting ng Department of Education ang seguridad sa mga paaralan kasunod ng mga insidente sa Tacloban at Zamboanga.










