--Ads--

Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maaaring senyales ang mas mabilis na paghupa ng baha sa Metro Manila na nagsisimula nang maging epektibo ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa pagbaha.

Sa isinagawang situation briefing kaugnay ng epekto ng southwest monsoon o Habagat sa MMDA Command Center sa Pasig City, sinabi ni Marcos na umabot sa 201 millimeters ang ulan na bumuhos sa Metro Manila sa loob lamang ng limang oras noong Agosto 17.

Gayunman, napansin umano ng Pangulo na mas mabilis nang humupa ang baha at mas mababa ang lebel nito kumpara sa mga nakaraang malalaking pagbaha, kung saan umaabot umano hanggang ikalawang palapag ng ilang gusali ang tubig.

Ayon kay Marcos, may mga lugar na binaha pa rin ngunit mas maikli na ang oras bago tuluyang humupa ang tubig, habang ang ibang lugar ay hindi na umano nakaranas ng pagbaha.

--Ads--