--Ads--

Kinuwestiyon ng ilang senior citizens sa Isabela ang proseso ng pagpili sa mga benepisyaryo ng social pension matapos umanong mapasama sa listahan ang ilang may kakayahang pinansyal, matapos ang isinagawang Regional Meeting sa ICON, Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial President Ruben Tumbaga ng Senior Citizen Consultant, sinabi nitong lalo umanong naging magulo ang usapin matapos ilabas ang listahan mula sa Community-Based Monitoring System o CBMS, dahil hindi umano malinaw kung sino ang pumipili ng mga benepisyaryo sa kanilang barangay.

Iginiit ni Ginoong Tumbaga na hindi dapat nauuwi sa bunutan o raffle ang pagpili ng mga tatanggap ng social pension, bagkus ay kinakailangang maayos na beripikahin kung sino ang tunay na kwalipikado sa benepisyo.

Ayon sa opisyal, mas magiging maayos umano kung magkakaroon ng hiwalay na ahensiyang tututok lamang sa kapakanan ng senior citizens upang mas mabigyang-pansin ang kanilang mga pangangailangan.

--Ads--

Giit pa niya, kinakailangan ang konsultasyon sa mga senior citizens bago gumawa ng mga polisiya at programa na direktang nakaaapekto sa kanila.

Nanawagan naman ang opisyal sa mga senior citizens na hintayin ang magiging development sa usapin at patuloy na bantayan ang proseso ng pagpili sa mga benepisyaryo.