--Ads--

Patuloy ang regular na pagsasagawa ng fire safety inspection ng Bureau of Fire Protection o BFP Ilagan sa mga business establishments sa lungsod, kabilang ang mga bagong tayong establisimyento.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCInsp. Aimee Cariño, City Fire Marshal ng BFP Ilagan, sinabi niya na taun-taon isinasagawa ang fire safety inspection sa mga business establishment bilang bahagi ng kanilang regular na trabaho, habang araw-araw namang may mga fire safety inspector na nakatalaga upang magsagawa ng inspeksyon sa iba’t ibang establisimyento.

Aniya, gumagamit ng body-worn camera ang mga fire safety inspector sa bawat inspeksyon bilang bahagi ng mekanismo upang matiyak ang transparency at maiwasan ang mga iregularidad sa proseso.

Kabilang sa mga karaniwang paglabag na nakikita ng BFP sa maliliit na establisimyento ang hindi maayos na maintenance ng fire extinguishers, hindi gumaganang emergency exits at emergency lights, gayundin ang mga fire exit na nakaharang o nakalock.

--Ads--

Sa malalaking establisimyento naman, kabilang sa mga kinakailangang i-comply ang pagkakaroon at maayos na paggana ng fire detection and alarm system.

Kapag may natukoy na paglabag, inoobliga umano ng BFP ang mga business owner na ayusin at i-comply ang mga kinakailangang fire safety requirements sa loob ng itinakdang panahon.

Sakaling hindi ito maisakatuparan sa itinakdang bilang ng araw, maaari silang patawan ng kaukulang multa alinsunod sa mga panuntunan ng Bureau of Fire Protection.

Samantala, hinikayat ni Cariño ang mga business owner at iba pang residente ng Ilagan City na patuloy na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa BFP sa mga usapin ng fire safety, public safety at disaster preparedness.

Nanawagan din siya sa publiko na huwag mag-atubiling tumawag sa 911 o sa pinakamalapit na local fire station kapag may emergency, partikular sa oras ng sunog, upang agad na maaksyunan ang insidente.