--Ads--

Nasa bawat panig umano sa impeachment trial ang pagpapasya kung sinu-sino ang kanilang ihaharap na mga testigo at ebidensya, depende sa kanilang magiging estratehiya sa paglilitis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, Law Professor, nasa discretion umano ng prosecution at depensa kung maghahain sila ng partikular na testigo o ebidensya na sa tingin nila ay makatutulong sa kanilang panig.

Aniya, kung may mga testigong hindi na nais iharap ng prosecution, maaari naman umano itong piliing huwag nang ipresenta dahil nasa kanilang pagpapasya ang magiging direksyon ng kanilang kaso.

Gayunman, kung layunin umanong mabuo ang buong larawan ng mga isyung pinag-uusapan sa impeachment trial, maaaring maging mahalaga ang testimonya ng mga taong direktang makapagbibigay-linaw sa ilang pangalan, transaksyon at iba pang detalye na inilahad sa paglilitis.

--Ads--

Paliwanag ni Atty. Arreola, maaari ring magkaroon ng pagkakataon ang depensa na iharap ang naturang mga testigo kung hindi sila gagawin ng prosecution na bahagi ng kanilang presentasyon, lalo na kung makatutulong ang kanilang testimonya sa depensa.

Samantala, kung hindi naman ihaharap ng alinmang panig ang isang testigo, maaaring hindi na rin umano marinig ng impeachment court ang kanyang panig sa naturang usapin, na posibleng mag-iwan ng ilang katanungan na hindi masasagot sa loob ng paglilitis.

Nilinaw rin ni Atty. Arreola na kung hindi mismo makikilala o mababanggit bilang testigo ang isang indibidwal sa proceedings, hindi ito basta maaaring magpakita sa impeachment trial upang magbigay ng sariling pahayag.

Maaari lamang umano itong magsalita sa labas ng korte, gaya ng sa mga press conference, ngunit hindi ito magiging bahagi ng opisyal na testimonya sa impeachment trial.

Tungkol naman sa posibilidad na mismong mga senador-judge ang magpatawag ng isang testigo, sinabi ni Atty. Arreola na may mga pagkakataong maaari itong pag-usapan ng impeachment court, ngunit nakadepende pa rin ito sa magiging aksyon at pagpapasya ng mga senador-judge.

Dagdag pa niya, hindi pa sarado ang mga posibilidad sa kasalukuyang impeachment proceedings dahil marami pang maaaring mangyari habang nagpapatuloy ang paglilitis.

Samantala, ipinaliwanag ni Atty. Arreola na karaniwang inaasahang ihaharap lamang ng isang panig ang mga testigong nauna nang nakilala o na-identify bago ang paglilitis.

Kapag bigla umanong nagharap ng bagong testigo na hindi naunang nakilala, maaari itong tutulan ng kabilang panig.

Gayunman, kung mayroong idineklarang reserved witness at naipaliwanag kung ano ang magiging testimonya nito at kung bakit mahalaga sa kaso, maaari pa rin umano itong payagan, basta mabigyan ng sapat na pagkakataon ang kabilang panig na pag-aralan at beripikahin ang magiging testimonya nito.

Dagdag pa ng abogado, nakasalalay pa rin umano sa bawat panig ang kanilang magiging diskarte sa impeachment trial, habang mahalagang matiyak na mabibigyan ng pagkakataon ang mga senador-judge na makita at marinig ang mga ebidensyang makatutulong sa pagbuo ng kabuuang larawan ng usapin.