--Ads--

Naging epektibo umano ang isinagawang isang buwang cloud seeding operation ng NIA-MARIIS matapos tumaas ng humigit-kumulang 17 metro ang water elevation ng Magat Dam mula nang simulan ang operasyon.

Nagsimula ang cloud seeding operation noong Hulyo 26 at nagtapos nitong Agosto 26, kung saan umabot sa 30 oras ang isinagawang operasyon kasama ang Philippine Air Force.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Edwin Viernes, Flood Forecasting and Implementation Head ng NIA-MARIIS, sinabi niyang mula sa dating 161 meters above sea level o MASL, umakyat sa 178.32 MASL ang water elevation ng Magat Dam.

Malaki rin umano ang naitulong ng mga nagdaang bagyo, kabilang ang Bagyong Luis at Maymay, sa pagtaas ng lebel ng tubig sa dam.

--Ads--

Bukod sa pagtaas ng water elevation, sinabi ni Engr. Viernes na nakatulong din ang cloud seeding sa mga pananim sa service area ng MARIIS, lalo na noong nakaranas ng matinding init ang lugar.

Ayon pa kay Engr. , mula sa dating 61 porsyento lamang na programmed irrigated area para sa wet cropping, umabot sa 100 porsyento o katumbas ng 95,000 ektarya ang naabot na service area.

Gayunman, nilinaw niyang hindi sabay-sabay na nakapagtanim ang lahat ng magsasaka dahil may mga nahuli sa kanilang planting schedule.

Samantala, mayroon nang panibagong request ang Department of Agriculture sa Bureau of Soils and Water Management (BSWM) para sa isa pang cloud seeding operation na hinihintay na lamang ang approval.

Target umano ang hanggang 60 sorties para sa panibagong operasyon, kumpara sa 10 sorties na isinagawa sa natapos na cloud seeding operation.

Samantala, sapat umano sa ngayon ang water elevation ng Magat Dam para sa kasalukuyang wet cropping season, ngunit pinaghahandaan na ng NIA-MARIIS ang dry cropping na magsisimula sa Setyembre 15.

Para sa dry cropping, nasa 52,000 ektarya lamang ang programmed irrigated area o katumbas ng 55 porsyento ng kabuuang 95,000 ektaryang service area ng MARIIS.

Ayon kay Engr. Viernes, ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit maaaring magsagawa muli ng cloud seeding operation sa pagtatapos ng taon o sa unang bahagi ng 2027.

Sa kasalukuyan, nasa loob umano ng operational curve ang water elevation ng Magat Dam.

Ipinaliwanag ni Engr. Viernes na ang operational rule curve ang nagsisilbing batayan sa ideal na lebel ng tubig upang matiyak ang sapat na suplay para sa irrigation at power generation.

Samantala, may ilang operators na ring nagbalik ng fish cages sa Magat Dam, habang ang iba ay hindi pa dahil sa pangamba matapos ang nagdaang fish kill.