Target ng Department of Trade and Industry (DTI) na lumampas sa ₱1 bilyon ang kikitain mula sa national trade fairs ngayong taon, mas mataas ng 43% kumpara sa ₱700 milyon noong nakaraang taon.
Ayon kay DTI Assistant Secretary Nylah Rizza Bautista, layunin nilang makamit ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng hindi bababa sa 13 national trade fairs ngayong taon. Hindi kabilang sa target ang kita mula sa mga regional trade fairs.
Inaasahang magbibigay ang mga trade fair ng dagdag na oportunidad sa micro, small, and medium enterprises o MSMEs mula sa 18 rehiyon upang maipakilala at maibenta ang kanilang mga produkto.
Inihayag ni Bautista ang target sa pagbubukas ng Coconut Philippines Trade Fair sa SMX Convention Center Manila, na nilahukan ng humigit-kumulang 300 MSMEs mula sa coconut sector.
Tampok dito ang mga produktong pagkain, wellness, personal care, furniture at fashion na gawa mula sa niyog.











