Nangangamba ang ilang tindera sa posibleng malaking abala sa kanilang kabuhayan sakaling matuloy ang paglilipat ng kanilang mga puwesto sa Cauayan Public Market, kasunod ng turnover ng pamamahala ng pamilihan mula sa Primark patungo sa lokal na pamahalaan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Neneng Evangelista, isang tindera sa palengke, sinabi nito na wala pa silang malinaw na impormasyon kung kailan at saan eksaktong ililipat ang kanilang mga puwesto, bagamat may mga naririnig na silang pagbabago sa loob ng pamilihan.
Aniya, malaking epekto sa kanilang kabuhayan ang posibleng paglilipat dahil maaaring hindi agad mahanap ng kanilang mga suki ang kanilang bagong puwesto, na posibleng magresulta sa pagbaba ng kanilang benta.
Nanawagan naman si Evangelista sa mga kinauukulan na linawin agad sa mga vendor ang magiging plano at iskedyul ng paglilipat upang magkaroon sila ng sapat na panahon para makapaghanda at maabisuhan ang kanilang mga suki.
Samantala, nauna nang ipinaliwanag ng lokal na pamahalaan na isasailalaim sa restruction zoning ang public market bilang bahagi ng proseso ng paglilipat ng pamamahala rito.
Tinatayang mahigit 100 stalls, ang maaring maapektuhan habang isinasagawa rin ang inspection sa mga lugar na paglilipatan bago ipatupad ang mga pagbabago.
Sa naturang transition, nanatiling panawagan ng mga vendor ang malinaw na koordinasyon at maagang abiso upang maiwasang maantala ang kanilang negosyo at maapektuhan ang kanilang arawang kita.









