--Ads--

Umaasa ang ilang residente ng Cauayan City na magiging responsable at handang gampanan ang kanilang tungkulin ang mga magpapahayag ng intensyong tumakbo sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rommel Valdez, residente, sinabi niyang hindi lamang dapat nakatuon ang mga nagnanais na maging barangay at SK officials sa pagkapanalo sa halalan, kundi maging sa mga responsibilidad na kaakibat ng posisyong kanilang inaasam.

Mahalaga rin umano na bago pa man magsumite ng kanilang kandidatura ay malinaw na sa mga aspirante kung ano ang kanilang magiging tungkulin, anong mga programa ang nais nilang isulong at kung paano nila tutugunan ang pangangailangan ng mga residenteng nais nilang pagsilbihan.

Kabilang sa mga dapat pagtuunan ng pansin, ayon kay Valdez, ang paghahatid ng pangunahing serbisyo, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagpapaunlad ng imprastraktura, livelihood programs at iba pang pangangailangang direktang nararanasan ng mga residente.

--Ads--

Samantala, umaasa siyang magiging masusi rin ang mga botante sa pagpili ng kanilang mga iboboto at bibigyang-pansin ang kakayahan, programa at kahandaang maglingkod ng bawat kandidato.