--Ads--

Tuloy-tuloy ang pagbuhos ng mga taga-suporta, kaanak,at mga kaibigan ni Governor Dakila “Dax” Cua sa Capitol Compound kung saan nakalagak ang kaniyang labi para sa public viewing.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Junie Isagani “Jay” E. Cua jr. Isa sa mga kapatid ni Governor Dax Cua, sinabi niya na higit dalawang taon na nakipaglaban sa stage 4 lung cancer ang Gobernador.

Aniya sa kabila ng karamdaman ay maspinili umano ni Governor Cua na muling tumakbo at maihalal bilang ama ng Quirino.

Ang nasabing karamdaman ng Gobernador ay hindi isinapubliko ng kanilang pamilya kaya marami ang nabigla sa biglaang pagpanaw ni Governor Dax.

--Ads--

Bilang panganay na lalaki sa kanilang limang magkakapatid, inilarawan naman ni Junior si Governor Cua bilang mahalagang haligi ng kanilang pamilya.

Samantala, Ibinahagi ni Ginoong Jay ang ilang detalye sa libing ni Governor Dax Cua.

Aniya, ililipad sa Maynila bukas araw ng Lunes ang labi ni Governor Cua sa pamamagitan ng Philippine Air Force.

Dadalhin ang mga labi sa Villamor Air Base bago ihatid sa House of Representatives upang makapagbigay-pugay ang mga miyembro ng Kongreso sa dating kinatawan ng Quirino na magtatagal ng tatlong oras mula alas-9 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.

Pagkatapos nito, ililibing ang mga labi ni Governor Dakila Cua sa Manila Memorial Park sa araw ng Biyernes , alinsunod sa naging desisyon ng pamilya na doon na ang kanyang huling hantungan.

Samanatala, nagpahayag naman ng taos pusong pakikiramay sa pamilya Cua ang ilang mga senior citizen at residente ng Quirino dahil sa mga tulong na kanilang natanggap.

inihayag ni Elvie Fermin ang President Senior Citizen ng Ricarte Norte Diffun Quirino kabilang sa mga naaalala nilang programa ang taunang financial assistance para sa mga senior citizen at iba pang organisasyon sa lalawigan.

Ibinahagi rin niya na naging beneficiary ng scholarship program si Governor Cua ang kanyang anak na ngayon ay isa nang civil engineer.

Dahil dito, sinabi ng residente na hindi nila madaling matatanggap ang pagkawala ni Governor Cua, habang umaasa namang magpapatuloy ang pagtulong ng pamilya Cua sa mga taga-Quirino.

Samantala, tiniyak ng Quirino Police Provincial Office na mananatiling nakahanda ang kanilang mga tauhan upang mapanatili ang kaayusan at seguridad at maprotektahan ang lahat ng dadalo sa aktibidad.