--Ads--

Anim na indibidwal ang nakatakdang sampahan ng kaso kaugnay ng umano’y pagpatay at pagbaon sa bangkay ng isang 46-anyos na kawani ng National Irrigation Administration (NIA) sa Sitio Lampong, Barangay Escoting, Diadi, Nueva Vizcaya.

Natagpuan at hinukay ng mga operatiba ng Diadi Police ang bangkay ng biktima nitong Lunes ng umaga, Oktubre 12, matapos umanong patayin at ibaon sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Darryl Marquez, hepe ng Diadi Police Station, sinabi niyang umabot ng halos tatlong oras ang recovery operation dahil sa layo ng pinagbaunan. Nasa halos dalawang metro naman ang lalim ng hukay kung saan natagpuan ang bangkay.

Ang biktima ay isang job order employee ng NIA Nueva Vizcaya at residente ng Barangay Butao. Huli umano siyang nakita noong Oktubre 9 nang magtungo sa Barangay Escoting upang kausapin ang mga construction worker tungkol sa presyo ng graba para sa isang proyektong isinasagawa ng contractor ng NIA.

--Ads--

Ayon kay PCapt. Marquez, niyaya umano ng mga suspek ang biktima na makipag-inuman, ngunit nauwi sa pagtatalo ang kanilang pagsasama. Apat umano sa mga suspek ang bumugbog sa biktima hanggang sa mawalan ito ng malay, matapos paulit-ulit na iuntog ng isa sa kanila ang ulo nito sa sementadong kalsada.

Tatlong indibidwal na ang sumuko sa mga awtoridad kaugnay ng insidente. Bukod dito, sumuko rin ang mag-asawang suspek sa San Isidro Police Station sa Isabela. Kabilang umano sa mga ito ang asawa ng backhoe operator na ginamit sa paghukay at pagbaon sa bangkay, na sinasabing kumuha rin ng video sa insidente.

Sa ngayon, nahaharap sa kasong murder ang anim na suspek kaugnay sa insidente.