--Ads--

Arestado ang isang suspek sa umano’y pagnanakaw matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu, isang baril, mga bala at isang rifle grenade sa Barangay Bagnos, Aurora, Isabela, bandang alas-2:00 kaninang madaling-araw, Oktubre 14, 2026.

Ayon sa Aurora Municipal Police Station (MPS), rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng tawag mula sa isang opisyal ng barangay hinggil sa naiulat na pagnanakaw.

Habang nagpapatrolya sa isang farm-to-market road sa Barangay Bagnos, napansin ng mga operatiba ang isang lalaki na nagtatangkang magkarga ng portable water engine pump sa kanyang motorsiklo.

Sa beripikasyong isinagawa kasama ang opisyal ng barangay at ang biktima, kinilala ang water engine pump bilang pag-aari ng biktima, dahilan upang arestuhin ang suspek.

--Ads--

Sa isinagawang pagkapkap sa kanya, narekober mula sa suspek ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Nakabalot ito sa dalawang ₱100 at isang ₱50 na perang papel.

Nasamsam din sa kanyang backpack at mga personal na gamit ang isang improvised caliber .22 Magnum firearm na may apat na bala, isang 40-millimeter rifle grenade, isang cellphone at isang relo.

Narekober din ng mga pulis ang isang motorsiklong walang plaka.

Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Aurora MPS para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Maaaring maharap ang suspek sa kasong Theft o pagnanakaw; paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act; ilegal na pagmamay-ari ng pampasabog sa ilalim ng Republic Act No. 9516; at ilegal na pagmamay-ari ng ipinagbabawal na droga sa ilalim ng Section 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.