Nagbigay ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) sa isang Pilipinong seafarer na nasugatan sa umano’y drone attack sa oil tanker na ACER sa Persian Gulf noong Oktubre 7. Samantala, ligtas naman ang 24 pang Pilipinong tripulante ng barko.
Ayon sa DMW, nasagip ang nasugatang seafarer ng Qatar Navy at Qatar Coast Guard at isinugod sa Hamad General Hospital sa Doha, Qatar, kung saan siya kasalukuyang nagpapagamot.
Dinalaw ang seafarer ng mga kinatawan ng Migrant Workers Office at Overseas Workers Welfare Administration sa Doha, sa pangunguna ni Labor Attaché Eduard C. Ferrer. Binigyan din siya ng damit at iba pang pangunahing pangangailangan.
Tiniyak ng DMW na patuloy nilang imo-monitor ang kondisyon ng seafarer at makikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya para sa kaniyang paggaling at ligtas na repatriation o pagbabalik sa Pilipinas.
Samantala, bumiyahe na patungong Dubai ang 24 pang Pilipinong tripulante, kung saan inaasahang dadaong ang barko.











