--Ads--

Hinimok ng Chinese Embassy sa Maynila ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maging mas responsable matapos punahin ng kagawaran ang pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan hinggil sa posibleng paggamit ng puwersa.

Inakusahan ng embahada ang DFA ng pagpili lamang sa ilang bahagi ng pahayag ni Jing at pagbibigay rito ng labis na interpretasyon. Ikinalungkot din nito ang naging tugon ng kagawaran.

Binigyang-diin ng Chinese Embassy na dapat magsilbi ang diplomasya upang mabawasan ang hindi pagkakaunawaan, maiwasan ang maling kalkulasyon at mapigilan ang posibleng tunggalian.

Dagdag pa nito, nasa lubhang sensitibong yugto ang relasyon ng Pilipinas at China kaya nanawagan ito sa DFA na tumulong upang hindi mauwi sa mapanganib at hindi tiyak na sitwasyon ang ugnayan ng dalawang bansa.

--Ads--

Nauna nang binatikos ng DFA ang pahayag ni Jing sa isang panayam na madaling maipanalo ng China ang labanan kung gagamit ito ng puwersa, bagama’t sinabi rin ng ambassador na hindi nila ito gagawin.

Ayon sa DFA, tila may nakatagong banta ng paggamit ng puwersa sa naturang pahayag at hindi ito nakatutulong sa maselang relasyon ng Maynila at Beijing. Hinimok din ng kagawaran ang mga dayuhang diplomat sa Pilipinas na maging maingat sa kanilang mga pampublikong pahayag.

Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes na mistulang pagbabanta ang pahayag ng Chinese envoy at kailangan itong linawin sa isang direktang pag-uusap.

Ayon sa Pangulo, nararapat na magkaroon sila ng pag-uusap ni Jing upang matukoy ang tunay na kahulugan ng pahayag nito.

Nagpapatuloy ang palitan ng mga pahayag ng Maynila at Beijing sa gitna ng matagal nang tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa kaugnay ng sigalot sa West Philippine Sea.