--Ads--

Nagsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman ang ilang anti-mining group sa Nueva Vizcaya laban sa ilang mga kapulisan, staff ng North Luzon Mineral Resources Corporation, at ilang opisyal ng naturang lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bro. Florentino Daynos ng Dupax Del Norte Environmental Defenders, sinabi nito na hindi sila papayag na sila na lang lagi ang kinakasuhan at inaaaresto dahil sa kagustuhan lamang nilang ipagtanggol ang kanilang lupain laban sa pagmimina.

Aniya, karamihan sa kanilang mga kinasuhan ay mga kapulisan ng Dupax Del Norte at Kasibu, Nueva Vizcaya na nanguna sa pagpigil sa kanilang grupo sa pagbabarikada. Hindi naman bababa sa limang kaso ang kanilang naisampa laban sa mga ito.

Ayon kay Daynos, maraming sumama sa pagsasampa ng kaso kung saan isinabay na rin ang pagsasagawa ng rally hindi lamang sa harapan ng tanggapan ng ombudsman kundi maging sa harapan ng mga tanggapan ng Department of Agrarian Reform, Department of Environment and Natural Resources, at Mines and Geosciences Bureau.

--Ads--

Umaasa siya na mananalo sila kaso dahil na rin sa bigat ng mga ebidensyang kanilang hawak gaya na lamang ng mga witnesses at video footages.

Mayroon nang dating kaso na naisampa laban sa tatlong kapulisan kabilang ang hepe ng Kasibu Municipal Police Station sa  Philippine National Police – Internal Affairs Service. Gayunman, naresolba umano kaso laban sa dalawang Pulis maliban na lamang sa Chief of Police ng naturang himpilan.