--Ads--

Idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang ilang dagdag na pondo ng Kongreso sa 2024 at 2025 national budgets at naglatag ng mahigpit na tuntunin sa paggamit ng unprogrammed appropriations.

Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, pinagbigyan ng Supreme Court En Banc ang petisyon nina Edcel Lagman at iba pa, at bahagyang pinagbigyan ang petisyon nina Aquilino “Koko” Pimentel III at iba pa na kumukuwestiyon sa pagtaas ng unprogrammed appropriations sa 2024 General Appropriations Act (GAA).

Idineklara ng SC na unconstitutional ang Republic Act 11975 o 2024
GAA dahil sa epektibong pagtaas ng kabuuang appropriations ng P449.5 bilyon, lampas sa inirekomendang budget ng Pangulo.

Ibinasura rin ng Kor­te ang P17.99 bilyong dagdag ng Kongreso sa Special Road Fund sa ilalim ng 2025 GAA dahil nagresulta rin ito sa pagtaas ng kabuuang appropriations na isinumite ng Pangulo.

--Ads--

Pinaboran din ng SC ang petisyon ng Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement, Inc., at idineklarang labag sa Konstitusyon ang bahagi ng 2025 GAA kaugnay ng nasabing P17.99 bilyong dagdag sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Samantala, sinabi ng Korte na ang Unprogrammed Appropriations ay hindi naman awtomatikong labag sa Konstitus­yon. Gayunman, kailangan itong magkaroon ng mali­naw na limitasyon at mga safeguard upang matiyak ang fiscal discipline, transparency at accountability.

Ayon sa SC, dapat ding magtakda ang Kongreso ng malinaw na pamantayan sa pag-prayoridad ng paggastos kapag may higit sa isang layunin sa ilalim ng unprogrammed appropriations, at dapat itong umayon sa national fiscal program.

Dahil dito, permanenteng pinagbawalan ng Korte Suprema ang Senado, Kamara, Office of the Executive Secretary at Department of Budget and Management na ipatupad ang Special Provision 1(a) at 1(b) ng Chapter XLIII ng 2026 GAA.