Iginiit ni Kontra Daya Convenor Prof. Danilo Arao na bagama’t karaniwang proseso na ang pagkaka-delist ng mga party-list group na hindi nakatutugon sa mga itinakdang rekisito sa halalan, mahalagang suriin din kung bakit may mga grupong nagsusulong ng interes ng mga nasa laylayan ng lipunan na hindi nakapapasok sa Kamara.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng Kontra Daya, sinabi nitong hindi na bago ang pag-aalis sa listahan ng mga party-list group na lumalahok sa halalan ngunit hindi nakatutugon sa mga itinakdang pamantayan, alinsunod sa COMELEC Resolution No. 11281.
Aniya may karapatan pa rin ang mga party-list group na umapela kung naniniwala silang dapat silang pahintulutang muling lumahok sa halalan, subalit nakasalalay sa pagsusuri at pag-apruba ng Commission on Elections o COMELEC ang kanilang apela.
Ipinaliwanag ni Arao na sampu sa mga party-list group ang hindi lumahok sa nakaraang halalan, habang 40 naman ang hindi nakakuha ng hindi bababa sa dalawang porsiyento ng kabuuang boto at hindi rin nakasama sa ikalawang round ng paglalaan ng mga puwesto sa Kamara.
Ayon kay Arao, regular nang nangyayari ang ganitong proseso, ngunit mas mahalagang pagtuunan ng pansin kung bakit may mga party-list group na aniya’y maayos na gumaganap ng kanilang tungkulin ngunit hindi nakapapasok sa Kongreso.
Posible umanong nakaapekto rito ang pagbaba ng kanilang kasikatan o pagtanggap ng mga botante, gayundin ang mga alegasyon ng red-tagging at iba pang uri ng black propaganda laban sa mga party-list group noong nakaraang halalan.
Ayon pa kay Arao, ang ganitong mga hakbang ay maaaring makasira sa tiwala ng publiko sa mga party-list group na kanilang tinatarget, at may mga pagkakataon din umanong nagiging biktima ang mga ito ng pandaraya.
Tinawag naman niyang isang nakalulungkot na pangyayari ang pagkaka-delist ng mga party-list group, lalo na’t nauna nang binatikos ng Kontra Daya ang ilang grupong aniya’y hindi tunay na kumakatawan sa interes ng mga maralita at iba pang sektor na nasa laylayan ng lipunan.
Dagdag pa niya, kuwestiyonable umano ang track record ng ilan sa mga party-list group na nakapaloob sa naturang listahan.
Dahil dito, iginiit ni Arao na dapat maging masusi ang COMELEC sa pagsusuri sa mga party-list group, kabilang ang kanilang posibleng kaugnayan sa mga political dynasty at malalaking negosyo, pagiging kuwestiyonable ng kanilang adbokasiya, at kakulangan ng impormasyong inilalahad sa publiko.











