Patay ang hindi bababa sa pitong katao, kabilang ang tatlong bata at isang babae, matapos magsagawa ng airstrikes ang Jordan sa Syria bilang ganti sa madugong pag-atake sa isang simbahan.
Ayon sa Syrian Civil Defence, apat na lugar sa mga lalawigan ng Deraa at Suweyda ang tinamaan ng pambobomba.
Lima sa mga nasawi, kabilang ang isang babae at tatlong bata, ay magkakapamilya na tinamaan habang nasa loob ng isang tent sa Deraa. Dalawa pang lalaki ang nasawi sa magkahiwalay na pag-atake.
Iginiit ng militar ng Jordan na target ng operasyon ang mga taguan ng mga armadong grupo sa timog-silangang bahagi ng Syria bilang tugon sa pamamaril sa mga nakikiramay sa isang libing sa loob ng Greek Orthodox church sa Karak, Jordan, na ikinasawi ng siyam na katao at ikinasugat ng marami pa.
Gayunman, itinanggi ng pamahalaan ng Syria na nakipag-ugnayan ito sa Jordan bago ang operasyon at sinabing nagsasagawa na ito ng imbestigasyon.
Kasunod ng airstrikes, isinara ng Syria ang Nassib border crossing, ang pangunahing tawiran ng mga pasahero at kargamento sa pagitan ng dalawang bansa.
Nauna nang inaresto ng mga awtoridad ng Jordan ang tatlong suspek na umano’y sangkot sa pag-atake sa simbahan.











