Nakatakdang magsagawa ng job fair ang Public Employment Service Office (PESO) Isabela sa Nobyembre 19 sa Capital Arena, City of Ilagan, katuwang ang tanggapan ni Senador Win Gatchalian, Provincial Government of Isabela (PGI) at Department of Labor and Employment (DOLE), upang mabigyan ng oportunidad na makahanap ng trabaho ang mga job seeker.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PESO Manager Cecilia Claire Reyes, inaasahang aabot sa 700 job seeker at 40 employers ang lalahok sa aktibidad mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, kung saan mag-aalok ng lokal at overseas employment opportunities. Tinatayang 10 porsiyento ng mga aplikante ang maaaring matanggap agad o hired on the spot.
Magkakaroon din ng service caravan para sa mga first-time job seeker na nangangailangan ng dokumento gaya ng NBI clearance, PNP clearance at birth certificate na maaaring makuha nang libre alinsunod sa First Time Jobseekers Assistance Act.
Samantala, iniulat ng PESO Isabela na nakapagtala ang lalawigan ng 96.1 porsiyentong employment rate noong 2025, mas mataas sa 95.8 porsiyentong national average.
Patuloy rin ang kanilang job fairs, skills training at career development programs sa kabila ng epekto ng pagtaas ng inflation at energy crisis sa ilang negosyo.
Pinaalalahanan naman ni Reyes ang mga aplikante na magdala ng sapat na kopya ng resume, paghandaan ang job interview at magsaliksik tungkol sa kumpanyang kanilang aaplayan.











