--Ads--

Nasawi ang apat na katao, kabilang ang isang pitong taong gulang na bata, matapos ang pagsabog at kasunod na sunog sa isang iligal na pagawaan ng paputok sa bayan ng Malasiqui, Pangasinan.

Kinumpirma ni Malasiqui Vice Mayor Daria Dolores Mamaril ang pagkasawi ng apat na biktima sa insidenteng naganap dakong alas-7:30 ng gabi nitong Miyerkules, Nobyembre 4.

Isa naman ang napaulat na nawawala matapos ang insidente.

Nadamay din sa sunog ang isang sasakyang nakaparada malapit sa lugar.

--Ads--

Batay sa paunang imbestigasyon, nakarinig muna ng malakas na pagsabog ang mga residente sa mga kalapit na Barangay Tabo Sili at Calbueg bago sumiklab ang sunog.

Nabatid na matatagpuan sa boundary ng dalawang barangay ang naturang pagawaan ng paputok na umano’y itinayo sa isang abandonadong piggery na nirentahan ng mga biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng pagsabog at iba pang detalye kaugnay ng insidente.