Nagpaalala ang Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF) sa mga kabataan na sumunod sa tamang proseso sa pagsasagawa ng mga kilos-protesta sa mga pampublikong lugar sa lalawigan ng Isabela.
Ito ay kasunod ng isang oras na kilos-protesta ng grupo ng mga kabataan sa Rizal Park, Cauayan City, mula alas-10 hanggang alas-11 ng umaga nitong Lunes, Nobyembre 16, upang ipahayag ang pagtutol sa planong pagtatayo ng Pax Silica Hub.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IACTF Chairman Ysmael Atienza Sr., nilinaw nitong hindi ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ang pagpapahayag ng saloobin at pagsasagawa ng mga kilos-protesta.
Gayunman, kinakailangan aniyang kumuha muna ng kaukulang permit at makipag-ugnayan sa mga kinauukulan bago magsagawa ng naturang aktibidad.
Ayon kay Atienza, dahil walang naipakitang permit ang grupo, maituturing na walang kaukulang pahintulot ang isinagawang pagtitipon at maaari itong maging batayan ng kaukulang aksiyon ng mga awtoridad.
Hinikayat naman niya ang mga kabataan na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan kung may plano silang magsagawa ng kahalintulad na aktibidad sa hinaharap upang mapag-usapan ang programa at maihanda ang mga tauhang magtitiyak sa kaligtasan at kaayusan.
Samantala, kinumpirma naman ni PMaj. Christian Mendoza Felix, Officer-in-Charge ng Cauayan City Police Station, na walang naitalang anumang insidente sa isinagawang kilos-protesta at kusang nag-disperse ang grupo matapos ang aktibidad.
Ayon kay PMaj. Felix, nagsagawa rin ng koordinasyon ang kapulisan sa pamunuan ng Our Lady of The Pillar Parish at sa City Hall upang alamin kung may kaukulang permit ang grupo para sa naturang pagtitipon.
Gayunman, napag-alaman nilang walang naisyung permit para sa pagsasagawa ng kilos-protesta sa nasabing oras.
Nanatili namang mapayapa ang sitwasyon sa lungsod matapos magtapos ang aktibidad bandang alas-11 ng umaga.











