Tiniyak ni Cauayan City Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. na hindi siya naglalagay ng kanyang mukha, pangalan, o anumang personal na marka sa mga proyekto ng pamahalaang panlungsod, bilang pagsunod sa ipinatutupad na Anti-Epal Law.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa alkalde, sinabi niya na bago pa man maisabatas ang Anti-Epal Law ay matagal na itong isinasagawa sa lungsod ng Cauayan, bilang bahagi ng adhikain ng lokal na pamahalaan na itaguyod ang transparency at maiwasan ang personal na pamumulitika sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.
Nilinaw ni Mayor Dy na may ilang sasakyan at kagamitan ng lungsod na naunang na-acquire na may mga pangalan tulad ng BRO Trucks, gayundin ang ilang proyektong ipinatupad noong mga nagdaang administrasyon. Aniya, ang mga ito ay kanilang tatanggalan ng mga naturang marka at papalitan ng malinaw na palatandaan na nagsasaad na pag-aari ng Pamahalaang Lungsod ng Cauayan ang mga ito.
Kaugnay nito, ipinaalala ng pamunuan ng DILG Cauayan sa mga lokal na pamahalaan ang mahigpit na pagsunod sa Anti-Epal Law, alinsunod sa DILG Memorandum Circular No. 2026-006.










