Nakatakdang mag-landfall ngayong umaga ang Tropical Storm Maymay sa hilagang bahagi ng Ilocos Sur habang patuloy itong binabantayan ng PAGASA dahil sa malalakas na pag-ulan at hangin na dala nito sa malaking bahagi ng Hilagang Luzon.
Huling namataan ang sentro ng bagyo alas-1:00 ng madaling araw sa karagatang sakop ng Magsingal, Ilocos Sur. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa gitna, pagbugsong hanggang 105 kilometro kada oras, at kumikilos pa-silangan sa bilis na 10 kilometro kada oras.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, hilaga at gitnang bahagi ng La Union (Luna, Caba, Santol, Bauang, City of San Fernando, San Juan, Bagulin, Aringay, Bangar, San Gabriel, Burgos, Naguilian, Bacnotan, Sudipen at Balaoan), hilagang-kanlurang bahagi ng Pangasinan (Anda, Bolinao at Bani), kanlurang bahagi ng Apayao (Conner, Kabugao at Calanasan), Abra, kanlurang bahagi ng Kalinga (Pasil, Tinglayan, Balbalan at Lubuagan), kanlurang bahagi ng Mountain Province (Besao, Tadian, Bauko, Sagada, Sabangan, Bontoc at Sadanga), hilagang-kanlurang bahagi ng Benguet (Mankayan, Kapangan, Kibungan, Sablan, Bakun, La Trinidad, Tublay, Atok at Buguias), at hilagang-kanlurang bahagi ng Cagayan (Santa Praxedes at Claveria).
Samantala, nakataas naman ang TCWS No. 1 sa natitirang bahagi ng La Union, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province at Benguet; Ifugao; timog na bahagi ng Babuyan Islands (Calayan Island, Dalupiri Island, Fuga Island at Camiguin Island); natitirang bahagi ng mainland Cagayan; Isabela; Quirino; Nueva Vizcaya; hilagang bahagi ng Zambales (Candelaria, Santa Cruz, Masinloc at Palauig); hilagang bahagi ng Tarlac (Mayantoc, San Clemente, Camiling, Santa Ignacia, Gerona, Paniqui, Moncada, San Manuel, Anao, Ramos, Pura at Victoria); hilagang bahagi ng Nueva Ecija (Carranglan, Lupao, Cuyapo, Talugtug, Nampicuan, Guimba, Science City of Muñoz, San Jose City, Pantabangan, Bongabon, Rizal, Llanera, Talavera, Santo Domingo, General Mamerto Natividad, Quezon at Licab); at hilaga at gitnang bahagi ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao, Baler, San Luis at Maria Aurora).
Ayon sa PAGASA, tatahakin ng bagyo ang kabundukan ng Hilaga at Gitnang Luzon matapos mag-landfall bago muling lumabas sa silangang baybayin ng Isabela o Cagayan.
Inaasahang hihina ang Maymay at maaaring maging tropical depression ngayong umaga, at posibleng maging low pressure area pagsapit ng hapon o gabi habang tinatahak nito ang kalupaan ng Luzon.
Patuloy namang pinapayuhan ang publiko na maging alerto sa posibleng pagbaha, pagguho ng lupa, at iba pang panganib na dulot ng malalakas na pag-ulan at hangin.









