--Ads--

Mas paiigtingin ng lokal na pamahalaan ng Dubinan, East Santiago City, Isabela ang pagbabantay sa komunidad kasunod ng naganap na pananaksak nitong nakaraang araw.

Bilang tugon sa insidente, magdaragdag ang barangay ng mga CCTV cameras sa mga estratehikong lugar upang mas mabantayan at mamonitor ang anumang hindi kanais-nais na pangyayari at mapabilis ang pagtukoy sa mga sangkot.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Rodolfo Inson, sinabi niya na nasa labing lima na ang na-install na CCTV sa kanilang barangay, at lima rito ang kakakabit pa lamang.

Aniya ang CCTV Camera na kakakabit pa lamang ang nakakuha ng video sa nangyaring pananaksak.

--Ads--

Binanggit niya na layunin ng dagdag na surveillance na mas maprotektahan ang mga residente at maiwasan ang pagkaulit ng karahasan sa lugar.

Sa ngayon, pag-uusapan pa sa barangay ang pondo, kung ilang camera ang idadagdag at kung saan ito ilalagay.

Dagdag pa niya, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng barangay sa lokal na pulisya upang masiguro ang agarang aksyon sa oras ng krimen at mapanatili ang kaayusan sa komunidad.